Palalakasin umano ng Philippine National Police (PNP) ang intelligence gathering sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub kung saan maraming nagta-trabahong Chinese.
Ayon kay PNP chief police Gen. Oscar Albayalde, sakop ng hakbang ang pagpapalakas ng hardening measures lalo na sa intelligence community.
Target daw kasi nito mabatid ang katotohanan sa mga itinayong POGO hubs kung nago-operate bilang negosyo o espiya.
Wala naman daw nakikitang problema si Albayalde kung nakatayo ang mga POGO hubs malapit sa military at PNP camps.
Sa ngayon, wala pa naman daw silang natatanggap na intellegence report na ginagamit nga ng mga Tsino ang mga POGO para sa kanilang surveillance activities.
Tiniyak ng PNP chief na hindi sila magpapaka-kampante, gayundin na hindi nila hahayaan na sila ay matiktikan.
Binigyang-diin ni Albayalde na bawal para sa mga police personnel ang pumasok at maglaro sa mga online games gaya ng POGO.
Mahigpit kasing ipinagbabawal sa mga pulis ang anumang uri ng pagsusugal.