-- Advertisements --
BuCor1

Naglunsad ng Integrity Monitoring and Enforcement Unit ang Bureau of Corrections para sa mas mahigpit na monitoring sa mga persons deprived of liberty na nakapiit sa iba’t-ibang mga bilangguan sa bansa.

Ayon kay BuCor officer-in-charge Gil Torralba, sa pamamagitan nito ay maaari nang maiulat ng mga tauhan ng naturang kawanihan ang mga ipinagbabawal na mga gawain ng kanilang mga kasamahan sa trabaho.

Habang maaari ring i-report ng mga nakalayang mga bilanggo sa pamamagitan naman ng text messages o tawag ang kanilang mga nalalamang mga kalokohan ng ilang mga BuCor personnel.

Layunin nito na mas matiyak na magiging malinis mula sa anumang uri ng iregularidad ang mga mga kawani ng naturang bureau.

Samantala, kung maaalala kamakailan lang ay aabot sa kabuuang 949 na mga bilanggo ang pinalaya ng BuCor mula sa iba’t-ibang kulungan at penal farms sa bansa.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kinakailangan pabilisn ang pagpapalaya sa mga PDL kung napagsilbihan na ng mga ito ang kanilang pinakamataas na sentensiya.

Kaugnay nito ay nagtutulong-tulong na rin aniya ang puwersa ng kapulisan at mga prosecutors upang resolbahin ang isyu ng mga akusadong nananatuli pa ring nakakulong hanggang ngayon ng mas mahaba pa sa kanilang hatol.

Sa datos, mula sa naturang bilang ay nasa 486 ang nagmula sa maximum, medium, at minimum compound ng New Bilibid Prison, at maging sa Reception and Diagnostic Center ng New Bilibid Prison.

Sinundan ito ng nasa 177 na mga PDL mula sa Davao Prison and Penal Farm, at 90 mga preso naman ang nagmula sa Correctional Institution for Women.

Ayon sa BuCor, karamihan sa mga pinalayang PDL ay nakapagsilbi na ng kanilang maximum sentence, habang nasa 213 naman ang pawang mga napawalang-sala, 129 ang nabigyan ng parol, 29 ang nabigyan ng probation, at dalawa ang nakalaya naman sa cash bond.