-- Advertisements --
de lima

Wala pang ruling o desisyon ang Muntinlupa Regional Trial Court sa inihaing petisyon para makapagpiyansa at makalaya na si dating Senador Leila de Lima.

Ito ay matapos ang isang oras na pagdinig kahapon kaugnay sa apela ng dating Senadora.

Paliwanag ng kanyang abogado na si Atty. Filibon Tacardon na inamin ng prosekusyon na nagkamali sila sa pagmamarka ng ilang ebidensiya subalit hindi naman aniya ito sinadya.

Ayon pa sa legal counsel ni De Lima na nakita sa transcript na nagkaroon talaga ng kaunting discrepancies sa formal offer of evidence ng prosekusyon kayat nagkasundo na lamang na ayusin ang marking ng mga dokumento.

Paliwanag pa ni Tacardon na mahalagang maresolba muna ang formal offer of evidence ng prosecution bilang parte ng paglilitis kung saan lahat ng documentary exhibit at object evidence, maliban pa sa testimonial evidence ay dapat na pormal na maisumite muna ng isang panig.

Sa kaso ng dating mambabatas, dapat na mauna muna ito bago talakayin ang kanyang aplikasyon para makapagpiyansa.

Pagpapaliwanagin din ang nagsumite kung bakit dapat na ikonsidera o tanggapin ang mga isinumiteng dokumento bilang ebidensya.

Sa araw ng Biyernes, Mayo 12, nakatakdang ilabas ang hatol ng korte para kay De Lima at co-accused nitong si Ronnie Dayan kaugnay ng akusasyong pagtanggap umano ng P10 million na drug money. Kabilang sa akusasyon ang pag-deliver umano ni dating Bureau of Correction OIC Rafael Ragos ng pera sa bahay mismo ni de Lima sa Parañaque. Bagamat kalaunan ay binawi ni Ragos ang kanyang mga testimonya.

Sakali man na maging paborable ang hatol kay De Lima hindi pa rin ito makakalaya dahil kailangang hintayin munang maresolba ng hukuman ang kanilang kahilingan para sa kanyang kalayaan at umaasahang maresolba bago ang susunod na pagdinig sa Hunyo 5.