-- Advertisements --

Posibleng bumagal na raw ang inflation sa bansa sa ikatlong quarter ngayong taon.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla, mayroon na raw kasing mga palatandaan ng depreciation kahit na ang consumer price index noong buwan ng Disyembre ay nananatiling mataas.

Kung maalala noong buwan ng Disyembre ay pumalo pa ang inflation sa 8.1 percent dahil sa mataas na presyo ng gulay gaya ng sibuyas.

Pero ang price pressures noong 2022 ay nagsimula na raw bumaba kabilang na ang supply shocks at ang mataas na presyo ng asukal at langis.

Sa loob naman ng anim na buwan, itinaas na ng central bank ang interest rate sa 5.5 percent mula sa 2.25 percent para maibsan ang problema sa inflation at para mapanatili ang halaga ng piso kontra dolyar.

Target ngayon ng bansa na maibaba sa 2 hanggang 4 percent ang inflation ngayong taon.

Kung pag-uusapan naman ang ekonomiya, sinabi ni Medalla na ang base line forecast ay mayroong growth na lagpas 6 percent.