Posible raw na mataas pa rin ang naInflation ngayong buwan ng Enero 2023.
Sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang inflation ay posibleng maglaro sa 7.5 percent hanggang sa 8.3 percent.
Ito ay dahil na rin umano sa mataas pa ring presyo ng mga utilities at commodities.
Kung maalala nasa 8.1 percent ang naitalang inflation noong buwan ng Disyembre na pinakamabilis na inflation mula nang naitala ang 9.1 percent na inflation noong November 2008.
Ang pinakahuling forecast range ay mas mataas sa 2 percent hanggang 4 percent target ng gobyerno.
Ang upward price pressures ngayong buwan ay inaasahan daw na nagmula sa mataas na electricity rates, aprubadong water rate rebasing, mas mataas na domestic petroleum prices pagtaas ng presyo ng key food items at ang annual increase sa sin taxes.
Kung maalala, ang Manila Electric Company (Meralco) ay nagtaas na overall rates para sa typical household customers ng 62.32 centavos per kilowatt-hour (/kWh) sa P10.9001/kWh ngayong buwan.
Katumbas ito ng increase ng nasa P125 sa total bill ng mga residential customer na komokonsumo ng 200 kWh.
Ang presyo naman ng mga produktong petrolyo ay tumaas at mayroong year-to-date net increases na P5.90 kada litro para sa gasolina, P2.05 sa kada litro ng diesel at P3.20 kada litro ng kerosene.
Nakasaad din dito na ang appreciation ng Philippine peso na nagbalik sa P54:$1 level matapos ang naitalang all-time low na P59:$1 noong nakaraang taon.
Ayon naman kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla noong Disyembre ay inaasahan daw nitong ang inflation ay magno-normalize ngayong buwan matapos ang peak nito noong December at magbabalik sa “normal” sa ikatlo o ika-apat na quarter ng taon.
















