Magtatatag ang Canada ng agricultural hub sa Maynila dahil gusto nitong maging “preferred supplier” sa Indo-Pacific region.
Ayon kay Canadian Minister of Agriculture and Agri-Food Marie-Claude Bibeau , ang Pilipinas ay isang mahalagang kasosyo ng Canada sa ilalim ng Indo-Pacific Strategy.
Ang pagho-host ng nasabing bagong tanggapan na ito ay isang pagkakataon upang mabuo ang ating pang-ekonomiyang relasyon, at pagyamanin ang people-to-people ties.
Ang Indo-Pacific Agriculture and Agri-Food Office ay isang joint venture sa pagitan ng Agriculture at Agri-Food Canada, at ng Canadian Food Inspection Agency.
Ang nasabing tanggapang pang-rehiyon sa agrikultura ay bubuuin ng isang pangkat na direktang makikipagtulungan sa mga diplomatikong misyon at stakeholder ng Canada, bukod sa iba pa.
Dagdag dito, ang agrikultura at agri-food export ng Canada sa rehiyon ng Indo-Pacific ay umabot sa $21.8 bilyon noong nakaraang taon.
Ang Canada ay mayroon ding mga kasunduan sa kalakalan sa South Korea, Australia, Japan, Malaysia, New Zealand, Singapore, at Vietnam.
Giit naman ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, bilang regional base, ang tanggapan ng Maynila ay gaganap ng isang mahalagang papel para sa pagpapahusay ng teknikal na pagtutulungan at pagpapalakas ng mas mataas na kalakalan ng mahahalagang agrikultura at produktong agri-food sa pagitan ng Pilipinas at Canada.