CAUAYAN CITY- Matagumpay ang isinagawang indignation rally sa ibat ibang bayan at Lunsod sa Isabela na pinangunahan ng DILG at PNP bilang pagpapakita ng pagtuligsa sa CPP-NPA, mga terorista at ang nagaganap na kaguluhan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng Local Government Operations Officer II Rambo Bauan ng Cauayan City na layunin ng nasabing aktibidad na maipakita ng mga mamamayan ng Lungsod ang pagtuligsa sa terorismo at kaguluhan.

Aniya, ang pagsasagawa ng Indignation Rally ay hindi lamang pagpapakita ng pagkondena sa makakaliwang grupo kundi pagdidisiplina sa sarili.

Samantala nakiiisa naman ang mga kawani ng Local Government units sa lunsod ng Ilagan.

Dinaluhan din ito ng ilang kabataan bilang pagpapakita ng pagnanais na matuldukan na ang nagaganap na terorismo sa bansa.

Samantala, maging ang mga kawani at opisyal ng LGU Luna, Isabela ay lumahok din indignation rally.

Inihayag ni PCapt. Melchor Aggabao, hepe ng Luna Police Station na sa pamamagitan ng indignation rally ay naipapakita nila ang pagsuporta sa mga programa pamahalaan sa pamamagitan ng simultaneous indignation rally para sa kabutihan ng publiko.