ILOILO CITY – Arestado ang isang Indian national matapos umamin na utak sa pagpatay sa kapwa Indian national na natagpuang tadtad ng saksak at may gilit sa leeg sa kanyang inuupahang bahay sa Villa Paterna Subdivision, Brgy. Cano-an, Estancia, Iloilo.
Ang arestado ay si Har Deep Singh na kaibigan rin at dating kasamahan sa bahay ng biktimang si Kamal Deep Singh.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Jobert Amado, hepe ng Estancia Municipal Police Station, sinabi nito na tinangkang nakawan ng suspek ang biktima at ng wala silang makuhang pera, pinatay na lang ito upang hindi makapagsumbong.
Ayon sa hepe, kasama mismo ng suspek sa krimen ang kanyang karelasyong pinay na si Krissa Abaygar ng Brgy. Calapdan, Estancia Iloilo at apat pang mga ”John Does” na nananatiling at large.
Lumabas rin sa imbestigasyon na may utang ang suspek sa biktima at palagi rin silang nag-aaway dahil ginagawang sex den ng suspek ang kanilang tinutuluyang bahay.