-- Advertisements --

Ipinasisilip ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo sa Kamara ang aniya’y flip-flopping” protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) pagdating sa testing at quarantine sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Partikular na kinalampag ni Salo sa naturang imbestigasyon base sa kanyang inihaing House Resolution No. 1650 ang House Committee on Health at Committee on Overseas Workers Affairs.

Iginiit ni Salo na ilang “inconsistent” at “conflicting” na mga protocols, na nagiging pabigat at nagdudulot ng publiko lalo na sa mga OFWs, ang inilabas ng IATF sa nakalipas na isang taon.

Halimbawa na aniya rito ang mga ipinaabot na sentimiyento ng mga OFWs sa Department of Foreign Affairs o DFA at Overseas Workers Welfare Administration patungkol sa testing at quarantine sa bansa.

Batid naman aniya niya ang pagsusumikap ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya subalit kailangan ng malinaw na protocols mula mismo sa IATF upang sa gayon ay ma-streamline ang mga panuntunan na ito.