-- Advertisements --
RONNEL MAS

Ibinasura ngayon ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 72 ang kasong inciting to sedition laban sa public school teacher na si Ronnel Mas.

Kung maala inaresto ang naturang guro matapos ang kanyang Twitter post na nagbibigay ng pabuyang P50 million para sa makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 5.

Base sa utos ni Olongapo RTC Branch 72 Judge Richard Paradeza na may petsang Hunyo 24, 2020, nakasaad ditong pinagbigyan ng korte ang urgent motion to quash na inihain ni Mas.

Dahil dito, “dismissed” na ang kaso laban sa naturang guro.

Si Mas ay hinuli ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI)-Pangasinan sa Zambales at dinala sa NBI national headquarters nang wala umanong warrant of arrest at abogado.

Sa harap ng media lamang umamin si Mas ng kanyang pagkakasala at humingi ng paumanhin sa Pangulong Duterte. 

Sa kanyang motion to quash, ipinunto ng gurp na iligal ang pagkaaresto sa kanya dahil walang dalang warrant of arrest laban sa kanya ang operatiba ng NBI.

Ito ang naging batayan ng korte para ibasura ang naturang kaso.

Inaresto si Mas sa isang “hot pursuit” operation noong Mayo 11, pero sinabi ni Assistant State Prosecutor Jeanette Dacpano na hindi raw sakop ang warrantless arrest ang naturang isyu.

Sinabi ng prosecutor na ang inciting to sedition ay hindi continuous crime na maaring arestuhin ang offender na walang warrant na inisyu ng proper authority.