CAUAYAN CITY – Tututukan ng Incident Management Team ang mga natukoy na lugar sa loob ng 20-kilometer Radius mula sa cellsite ng Maconacon, Isabela na mayroong signal sa paghahanap sa nawawalang CESSNA 206 Plane.
Lilipat na rin ang halos lahat ng mga rescuers sa natukoy na lugar upang dito na magpokus sa paghahanap.
Naniniwala ang Incident Management Team na nasa loob ng nawawalang cessna 206 plane ang Cellphone ng isa sa mga pasaherong natawagan ilang oras matapos mawala ang eroplano noong ikadalawampu’t apat ng Enero.
Inihayag ni Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Atty. Constante Foronda, na siya ring Commander ng Incident Management team na tiwala silang hindi nalaglag mula sa eroplano ang cellphone ng isa sa mga pasaherong natawagan ilang oras matapos mawala ang Cessna plane.
Dahil dito ay tutukan nila ang mga lugar sa loob ng 20-kilometer radius na may signal dahil hindi matatawagan ang cellphone ng isa sa mga pasahero kung walang signal sa lugar kung saan hinihinalang posibleng bumagsak o nag-emergency landing ang nawawalang eroplano.
Isa rin sa kanilang pagbabatayan sa paghahanap ang sinabi ng isang magsasaka na nakakita umano sa eroplano.
Una nang nalanghap ng apat mula sa anim na scent tracking dogs ang amoy ng isa mga lulan ng nawawalang cessna sa isang bangin na may lalim na mahigit limandaang metro.
Sinubukan ng mga rescuers na bumaba sa bangin subalit hindi nila kinaya dahil sa masyado na itong malalim kaya humingi sila ng tulong sa mga lokal na residente upang humanap ng alternatibong ruta pababa ng bangin.
Makalipas ang ilang araw ay nawala na umano ang sinusundang amoy ng mga tracking dog’s kaya posibleng natangay lamang ng hangin ang amoy na sinundan ng mga aso.