Inaasahan na raw na magkakaroon ng 10 hanggang 20 percent ang mga pasaherong sasakay sa Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX sa Undas.
Ayon kay PITX spokesperson Jason Salvador, sa nakaraang dalawang buwan, nasa 120,000 daw ang average ng mga pasaherong sumasakay sa naturang terminal.
Kaya naman pagdating ng araw ng Undas ay posibleng pumalo ito sa 140,000 hanggang 150,000.
Dahil na rin daw ito sa sumisiglang pagbiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa Metro Manila bunsod ng bumubuting lagay ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kasunod nito ay puspusan na rin ang paghahanda ng PITX para sa nalalapit na buwan ng Nobyembre maging sa buwan ng Disyembre.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na raw ang pamunuan ng terminal sa Land Transportation Office (LTO) para sa pagsusuri ng road worthiness o maayos na lagay ng mga bus maging kalusugan ng mga tsuper.
Para naman sa pangangailangan kung sakali ng karagdagang unit ng bus, nakikipag-ugnayan na rin ang PITX sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).