Umaasa ang ilang kongresista na walang kapalit na “consequences” ang pagboto ng kanilang mga kasamahan pabor sa paggawad ng prangkisa sa ABS-CBN.
Sinabi nina Deputy Speaker Vilma Santos-Recto at Deputy Minority Leader Carlo Isagani Zarate na sana ay hindi maulit ang nangyari noong pinagbotohan sa Kamara ang death penalty bill noong 2017.
Ito ay kung saan tinanggalan ng committee chairmanship ang mga tumutol sa death penalty bill, kabilang na si Santos-Recto.
Ayon kina Santos-Recto at Zarate, handa naman silang sapitin ang kaparehas na kapalaran matapos silang bumoto ng pabor sa paggawad ng prangkisa sa ABS-CBN.
Pansamantala lamang ang posisyon sa Kamara, at ang mas mahalaga ay ang paninindigan na kanilang ginawa base sa mga prinsipyo at interes ng nakararami, ayon kay Zarate.
Iginiit naman ni Santos-Recto na bagama’t miyembro siya ng tinaguriang “super majority” sa Kamara, sa simula pa lang ay “independent thinker” naman siya.
Samantala, sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na halos walang pinagkaiba ang bigat nang hindi paggawad ng prangkisa sa ABS-CBN sa posibleng “adverse repurcussion” na sasapitin ng mga kongresista na sumuporta rito.










