-- Advertisements --

CEBU – Pinabulaanan ng alkalde ng Medellin, Cebu na pinamumugaran ng New People’s Army o NPA ang kanilang bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Medellin Mayor Joven Mondigo, inamin nito na residente ng kanilang bayan si Nikka Dela Cruz, ang amazona ng NPA na isang Cebuana na napatay sa engkwentro ng mga militar, ngunit kanyang nilinaw na nanatiling mapayapa ang kanilang bayan.

Aniya, hindi nito personal na kakilala si Nikka, ngunit sinabing wala naman itong criminal record sa kanilang bayan at aktibo sa mga aktibidad na may kinalaman sa mga kabataan.

Inamin rin nito na siya ay nalungkot dahil nadawit sa nasabing engkwentro ang isa sa mga residente ng Medellin.

Eksklusibong nakasama ng Bombo News Team ang mga sakop ng AFP Visayas Command ng bumisita sa pamamahay ni Nikka para sa flower offering ng mga militar at pulisya, ngunit hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya nito at tanging nang-gagala-iting sigaw ng ina na ‘overkill’ diumano ang nangyari sa kanyang anak.

Sa kabilang banda, eksklusibo ring nasaksihan ng Bombo News Team ang pag-turnover ng 30 mga military trucks sa 53rd Engineering Brigade ng Philippine Army sa nasabing bayan.

Ayon kay Capt. Eljhun Aboc, ang executive officer ng 53rd Engineering Brigade ng Philippine Army na galing sa Russia ang nasabing mga military trucks at kanila itong ipamamahagi sa buong Central Visayas.

Inihayag ni Capt. Aboc na magagamit nila ito sa kanilang iba’t ibang mission kasama na rin dito ang pag-responde sa mga sakuna o mga kalamidad.