-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban na tuloy ang importasyon ng Pilipinas ng 150,000 metric tons na asukal.

Ito ang tugon ng opisyal sa interpellation ni Albay Rep. Edcel Lagman sa budget briefing ng ahensiya.

Ayon kay Usec Panganiban, 75,000 metric tons nito ay para sa local market consumption habang ang kalahati naman ay para sa beverage industry.

Kung matatandaan, pinahintulutan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang naturang importasyon ng asukal para sa mga kabilang sa industriya o yung nangangailangan ng commercial quantities.

Hindi naman pabor si Panganiban na pahintulutan na lamang ang lahat ng kwalipikadong indibidwal at enterprise na mag angkat ng asukal basta’t papatawan ito ng taripa na tutumbas para protektahan ang local producers.

Paliwanag ng opisyal kung ikukumpara sa 600K hanggang 700K metric tons na inangkat ng Pilipinas noong nakaraang mga taon, napakaliit lamang ng 150,000 metric tons kaya’t hindi rin sa sapat kahit patawan ng taripa.

Dagdag pa nito na ang direksyon na tinitingnan ni Acting Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator David Alba ay payagan ang mga kompanya na kasulukuyang nasa trade industry tulad ng beverage companies na mag angkat ng kanilang sariling asukal ngunit para sa pribadong sektor para sa local market, ay kailangan pa ring isailalim sa bidding.

Pinagsusumite naman ni Lagman ang DA ng listahan ng mga pinahintulutang importers ng 150,000 metric tons.