-- Advertisements --

Nirerepaso na ng pamunuan ng Bureau of Plant and Industry ang import clearance ng mga importer ng bigas.

Ito ay kasunod na rin ng mga ulat na malaking bulto ng bigas ang hindi pa dumadating sa Pilipinas.

Ayon kay BPI Director Glenn Panganiban, kailangang isailalim sa pagrepaso ang import application ng mga importer ng bigas upang matiyak na tama ang pagkakagamit ng mga ito.

Kailangan aniyang matukoy kung nagamit ang kanilang import clearance, nagawang makapag-angkat ng bigas, at matiyak na hindi lamang itinatago ang inangkat na bigas.

Sakaling malaman na may mga importer na nabigo sa kanilang obligasyon ukol dito, sinabi ni Panganiban na pagpapaliwanagin nila ang mga naturang importer.

Hanggang nitong kalagitnaan ng Nobiembre, umaabot na sa 2.94 milyong metriko tonelada ng bigas ang dumating sa bansa.

Kung maalala, una na ring nagbabala si Department of Agriculture (DA) Secretary Kiko Laurel Jr. na tatanggalin o kakanselahin ang import clearance permit ng mga importer na bigong makapagpasok ng bigas sa bansa.