-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda na “essentially” ay nagpapatupad na ang Pilipinas ng import ban sa vapes sa iba’t ibang “trade barriers” sa bansa.

Sinabi ni Salceda na sa Ninoy Aquino International Airpot (NAIA) pa lamang ay ipinagbabawal na ang pagpasok ng mga vape imports dahil sa wala silang permit mula sa Food and Drugs Administration (FDA).

“Yung kolektor ng NAIA ay nagsabi na hindi na nila pinapayagan tsaka yung dumaan, meron silang 1,457 na mga vapes na hindi nila pinapalabas at hindi na nila pinapapasok dahil walang permit mula sa FDA,” ani Salceda.

Maging ang National Tobacco Administratio aniya ay inihinto na rin ang pagbibigay ng permits sa mga vape importers sa pag-transport ng kanilang produkto sa bansa.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulisya na arestuhin ang mga gumagamit ng vape sa mga pampublikong lugar kasunod ng kanyang anunsyo ng ban sa paggamit at pag-aangkat nito.

Subalit nagpahayag ng kanyang pagkabahala si Salceda sa pagtatakda ng importation ban sa mga vaping products dahil mapipilitan lamang aniya ang mga importers na gawing palihim ang pagbibenta ng mga ito.

Nangangamba si Salceda na kung magkaroon ng import ban sa vapes ay lalo lamang lalaki ang ang problema.