Nasa kabuuang 210,020 na mga mag-aaral at magulang hindi protektado ang data sa isang Online Voucher Application platform.
Ito ang iniulat ni Cybersecurity researcher Jeremiah Fowler, matapos na madiskubre na walang password protection ang platform na ito na naglalaman ng nasa 153.76GB na data.
Ayon sa naturang researcher, ang nasabing database ay naglalaman ng Personal Identifiable Information na kinabibilangan ng personal data at family data ng isang aplikante kabilang na ang pangalan, learner reference number, address, mobile number, source of income, gross monthly incom, at marami pang iba.
Dahil dito ay agad na nagpadala ng notice ang mga ito sa tanggapan ng Department of Education at National Privacy Commission of the Philippines na kalauna’y agad naman nilang natugunan.
Kung maaalala, inilunsad ng DepEd ang Online Voucher Application para sa mga eligible na mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong pinansyal.
Sa ilalim kasi nito ay maaaring makapag-apply ng voucher ang mga estudyante para i-cover ang kanilang Senior High School education sa mga pribado at maging sa mga participating non-public schools.