Iginiit ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) president Atty. Domingo Cayosa na hindi maaaring tapusin ng Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte gamit lang ang isang resolusyon.
Ani Atty, bilang tugon sa resolusyon ni Senador Robin Padilla na layong itigil na ang proseso dahil matatapos na ang 19th Congress sa Hunyo 13.
Si Padilla at kapwa kaalyado ng VP Duterte na si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay parehong naghain ng resolusyon para ibasura ang kaso laban kay VP Sara. Ngunit giit ni Cayosa, malinaw na may tungkulin ang mga senador bilang mga hukom sa proseso ng impeachment.
Dagdag niya, hindi rason ang sinadyang pagkaantala ng paglilitis para ito ay madaliin o ipitin.
Tinawag din niyang “impractical” ang mungkahing tapusin ang paglilitis sa loob lamang ng 19 na araw, gaya ng suhestiyon ni Sen. Francis Tolentino.
Ayon pa sa kanya, walang hadlang sa pagpapatuloy ng paglilitis kahit tumawid ito sa susunod na Kongreso, alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na jurisprudence.
Noong Lunes ng gabi, nanumpa si Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court. Inaasahan namang manunumpa ang ibang senador bilang hukom ngayong Martes ng hapon. (report by Bombo Jai)