Inaasahang matatapos ng Senado ang bahagi ng impeachment case tungkol sa umano’y grave threats ni Vice President Sara Duterte bago matapos ang Hulyo.
Ayon kay Senate impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, bumilis ang proseso matapos bawiin ng prosekusyon ang pagharap ng anim pang testigo para sa Article 4 ng impeachment complaint.
Dahil dito, inaasahang lilipat na ang paglilitis sa susunod na alegasyon — ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Sa Article 1 ng impeachment complaint, inaakusahan si VP Sara ng umano’y paglabag sa public trust at graft and corruption dahil sa sinasabing maling paggamit at pag-liquidate ng kabuuang P500 million na confidential funds ng OVP at P112.5 million mula sa DepEd.
Inihahanda na ng prosekusyon ang pagpapatawag sa tatlong testigo para sa usaping ito.
Kabilang dito sina Marivic Pareja ng Legislative Archive Museum ng House of Representatives; Violeta Constantino, dating manager ng Landbank Shaw Boulevard branch; at Leonita Camposano, dating manager ng Landbank DepEd branch.
Ayon kay Senate President at presiding officer Chiz Escudero, tatapusin muna ng prosekusyon ang kanilang presentasyon sa lahat ng article ng impeachment bago magsimula ang depensa sa kanilang mga ebidensya.
















