-- Advertisements --

Pinagbigyan ng Senate impeachment court nitong Lunes, Hulyo 20 ang kahilingan ng House prosecution panel na maglabas ng subpoena para sa bank records at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Sa ikapitong araw ng impeachment trial, sinabi ni Senate impeachment court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero na sapat ang batayan upang hilingin ang mga bank records, AMLC, at tax records ni VP Sara.

Ayon sa impeachment court, ang mga dokumentong ito ay may kaugnayan sa Article II ng Articles of Impeachment, partikular sa isyu ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Nilinaw naman ng impeachment court na ang mga record ay hindi gagamitin upang magsampa ng panibagong kaso laban sa Bise Presidente. Sa halip, layunin lamang daw nitong malaman ang kanyang financial background at maikumpara ito sa kanyang mga ari-arian at transaksyon habang nasa kasalukuyang termino.

Pinayagan din ng korte ang pagkuha ng ilang bank records ng asawa ni Duterte na si Mans Carpio. Ayon kay Escudero, dahil kasal ang dalawa sa ilalim ng absolute community of property, maaaring ituring na bahagi ng kanilang ari-arian ang kanilang mga financial records, maliban kung may ibang kasunduang legal na magpapatunay nito.

Bukod dito, inaprubahan din ng impeachment court ang pag-subpoena para sa records ng 19 na kumpanyang iniuugnay kina Duterte at Carpio.

Gayunpaman, hindi isinama ang dalawang kumpanya matapos mabigong maipakita ng prosecution na may direktang koneksyon ang mag-asawa sa mga ito.