Sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na maaaring makatulong pa sa 2028 presidential bid ni Vice President Sara Duterte ang kinahaharap nitong impeachment case.
Ayon kay Chua, puwedeng gawing pagkakataon ng Bise Presidente ang proseso upang linisin ang kanyang pangalan bago ang halalan. Dagdag pa niya, kung umabot sa Senado ang kaso at kalaunan ay maibasura, maaari itong gamitin ni Duterte bilang depensa sa kampanya.
Sa ngayon, nasa House Committee on Justice pa ang kaso. Nakatakda ang “hearings proper” sa Marso 25 at inimbitahan si Duterte na dumalo, bagamat may indikasyon na hindi siya haharap.
Binigyang-diin ni Chua na ang impeachment ay isang “test of character” para sa sinumang nagnanais maging pangulo. Ito na ang ikalawang beses sa loob ng dalawang taon na nahaharap sa impeachment proceedings si Duterte. (report by Bombo Jai)














