Maaaring sa kasagsagan pa ng holiday season mararamdaman ang impact ng Executive Order 41 na nagsusupinde sa pass-through fees sa mga truck na nagdedeliver ng mga agricultural commodities.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Romando Artes, hindi pa gaanong mararamdaman ngayon ang epekto ng naturang EO
Pero pagsapit ng holiday, lalo na sa ilang mga nalalabing araw bago ang araw ng pasko, maaaring mararamdaman na ang epekto ng pagsuspinde sa pass-through fees.
Inaasahan kasi aniya na mas maraming mga deliveries ang mangyayari pagsapit ng naturang okasyon, at kasabay nito ay mas mabilis ang paggalaw ng komersyo, lalo na at tiyak ding matatanggap na ng mga empleyado ang kanilang mga 13th month pay at bonus.
Unang inilabas ni PBBM ang EO 41 noong Setyembre 25 na nagsusupinde sa koleksyon ng mga pass-through fees sa mga national roads, kung saan lahat ng uri ng mga sasakyan na nagdedeliver ng mga agricultural commodities ay makikinabang dito.
Kasama sa mga fee na malilibre sa ilalim nito ay ang sticker fee, discharging fee, delivery fee, market fee, toll fee, entry fee at maging ang Mayor’s Permit fee.