Suportado ng mababang kapulungan ng Kongreso ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang kabuuan ng gobyerno dahil sa issue ng katiwalian.
Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na naiintindihan nila kung bakit ginawa ito ng Pangulo.
Resulta lamang aniya ito ng frustration ng pangulo hinggil sa talamak na korapsyon sa pamahalaan.
Kaya naman iginiit ni Velasco na kaisa ng Pangulo ang kamara sa hangarin na masawata ang burokrasya ng mga korap na opisyal at empleyado sa pamahalaan.
Mahalaga rin aniya na tandaan na inilabas ni Pangulong Duterte ang direktiba nito kasunod na rin ng pag-atake sa Kamara dahil sa sinasabing pagkakasangkot ng ilang mga kongresista sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bagama’t ikinalulungkot aniya nila na mayroong ilang kongresista na nadamay dito, bukas naman aniya sila sa anumang imbestigasyon na ilulunsad ng anumang ahensya ng pamahalaan laban sa kanila.










