-- Advertisements --
image 87

Iniimbestigahan na ng National Food Authority Central Luzon ang inirereklamong umano’y bulok na bigas na ipinamahagi sa ilang mga pampublikong guro.

Kung maaalala, iniulat ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro ang mga reklamo na kanilang natanggap mula sa ilang mga guro sa Nueva Ecija ,Mindoro, Bacolod City at Zamboanga del Norte.

Ayon aniya sa mga guro, ang nakuha nilang bigas ay manilaw-nilaw , may kakaibang amoy at tila ang ilan ay binubukbok na rin.

Sa isang pahayag, sinabi ng National Food Authority Region 3 na nagsasagawa ng sila ng beripikasyon at ilang serye ng laboratory test sa mga bigas na mula sa One-time grant of Rice Assistance ng Department of Education.

Samantala, wala pang natatanggap ang NFA na anumang negatibong reaksyon mula sa mga nakausap nitong tumanggap ng naturang bigas.

Hanggang sa ngayon ay wala pang natatanggap na pormal complaint ukol dito.

Siniguro naman ng NFA na ang kanilang ipinamahaging bigas ay nasa magandang kondisyon at ligtas itong kainin ng publiko.

Sumasailalim rin aniya ito sa mahigpit na quality check bago nila ito iniisyu.

Dagdag pa ng ahensya na lahat ng kanilang bigas ay pasok sa specification ng well-milled quality rice.

Humingi rin ito ng pag-unawa sa publiko kung minsan ay may amoy ang ilan sa kanilang mga bigas dulot na rin ng pagkakaimbak nito sa kanilang warehouse.