Gumugulong na ang imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) kaugnay sa nangyaring insidente kung saan nasunog ang fast craft na MV Mercraft 2 sa may katubigan ng Real, Quezon na ikinasawi ng pitong indibidwal.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Manny Carpio, regional director ng MARINA regional office IV, nasa dalawang investigators ang ipinadala para magsagawa ng marine safety investigation para mabatid ang puno’t dulo o circumstances ng nangyaring sunog.
Sinabi ni Engr. Carpio, kasama nila ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isinagawang parallel investigation.
Aniya, sakaling may makitang pananagutan ang may-ari at operator ng shipping company mahaharap ito sa kasong criminal at matatanggalan sila ng lisensiya.
Dagdag pa ni Engr. Carpio, matapos na mabatid nila ang insidente agad sila nakipag-ugnayan sa may-ari mg shipping company.
Una ng sinabi ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo na nagmula sa engine room ng barko ang sunog.
“Nagpadala tayo ng dalawang officers to respond lang muna duon sa mga biktima at sa incident, kasisimula lang ng investigation kahapon ng tanghali at may investigators ng central office to conduct the marine safety investigation, so antayin natin hanggang sa matapos ito para makita natin ang punot dulo ng pangyayari,” pahayag ni Engr. Manny Carpio sa panayam ng Bombo Radyo.
Binigyang-diin ni Carpio, na wala namang itinakdang time frame sa gagawing investigation pero dapat the soonest time possible kelangan matapos na ang pag-iimbestiga.
Aminado ang MARINA na medyo mahirap ang nasabing sitwasyon dahil nasunog ang barko kaya kanilangan ng mga serye ng pagtatanong sa mga testigo lalo na sa kapitan ng barko.
Samantala, siniguro ni Engr. Carpio na hindi nila palalagpasin ang ganitong mga insidente dahil hindi ito katanggap-tanggap lalo at may mga fatalities.
Panawagan din nito sa mga shipping companies na sumunod sa maritime rules and regulation.
“Ang mensahe lang is we just comply sa ating minimum requirements sa maritime safety, lalo na duon sa mga naglalayag na huwag kaligtaan ang pagsunod sa mga regulations o requirements na dapat i comply lalo na kapag mabigyan kayo ng authority to sail, maraming conditions duon. Sa mga officers naman kayo yung kapitan diyan kayo po yung may authority make it sure na qualified, competent at kumpleto ang mga life saving equipments and all others at nasa kondisyon ang mga makina para sa for the welfare ng mga pasahero na sinasakay ninyo and they will arrived safely from to Port A to Port B, para sa shipping companies we should be responsible owners to our vessel,” pahayag pa ni Engr. Carpio.
Payo naman ni Engr. Carpio sa mga shipping company na dapat mag conduct sila ng regular drills, para ma-recall sakaling magkaroon ng aksidente ay alam ang gagawin para hindi mag-panic.