-- Advertisements --
image 342

Sinimulan na ang imbestigasyon sa ilang serye ng human trafficking scheme ng isang ‘Chinese mafia’ na nambibiktima ng mga Pilipino.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, iprinisenta ni Senator Risa Hontiveros ang ilang mga biktima ng umano’y sindikato.

Inilahad ng isa sa mga Pilipinong umano’y biktima ng human trafficking sa Cambodis na si alias “Ron” na ang kaniyang employer na Chinese ay pinilit siyang mag-recruit ng ibang mga Pilipino para magtrabaho sa crypto scam operations.

Ibinunyag din nito na ang kanilang head sa recruitment na isang nagngangalang Rachel ay mayroong kontak sa Immigration officers sa Clark airport.

Saad pa nito na ang nag-aabot ng suhol ang mga ito sa Immigration officer upang makalabas ang mga Pilipino.

Nagaganap aniya ang recruitment sa pamamagitan ng online na nag-udyok naman sa Senadora na i-crack down ang social media platforms may kinalaman sa trafficking schemes.

Sinabi din ng testigo na ang kaniyang employer ay pinagamit sa kaniya ang ibang pangalan ng kompaniya, pekeng invitation letters, at iba pang papeles subalit sa kabila ng mga pekeng dokumento ay nabigyan ito ng Overseas Employment Certificate.

Inihayag pa ng Senadora na marami ng napabalitang nasibak sa bureau of immigration subalit patuloy pa rin ang pagre-recruit ng mga Pilipino para mang-scam kayat kinuwestyon ng mambabatas kung mayroon pa ring mga kontak ang sindikato sa loob ng bureau.

Nagbunsod ito sa Senadora na manawagan para sa malalimang imbestigasyon ng mga opisyal ng BI dahil sa posibilidad na mas maraming koneksiyon ng Chinese mafia sa loob ng ahensiya.