-- Advertisements --

NAGA CITY – Patuloy pang nagkakalap ng impormasyon ang mga awtoridad na posibleng makapagturo sa totoong nangyari sa dalagang natagpuang wala ng buhay sa isang creek sa Ocampo, Camarines Sur.

Maaalala, kahapon ng umaga, Abril 16, 2024 nang matagpuan ang wala ng buhay na katawan ng biktima na kinilalang si Danica Marie Pajate, 18-anyos, residente ng San Ramon, Iriga City sa bahagi ng Barangay Ogob sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Maria Victoria Abalaing, tagapagsalita ng Camarines Sur Police Provincial Office, sinabi nito na ayon sa pahayag ng mga magulang ng biktima, nagpaalam lamang ito na mag coconnect sa piso wifi ngunit hindi na ito nakauwi pa.

Ayon pa kay Abalaing, in-tact naman ang suot na damit ni Pajate at wala namang nakitang senyales na nanlaban ito ngunit maghihintay pa rin sila ng isang linggo upang malaman ang resulta ng isinagawang autopsy sa katawan ng biktima upang malaman ang totoong dahilan ng pagkamatay nito.

Binigyang diin naman ng opisyal na hindi nila inaalis ang iba pang sirkumstansya sa pangyayari kung kaya patuloy ang pangangalap nila ng impormasyon kung sino ang huling nakasama ng biktima upang malaman kung ano ang posibleng nangyari bago matagpuan ang wala ng buhay na katawan nito sa nasabing lugar.

Samantala, nilinaw naman ng opisyal na wala namang dapat na ikatakot ang mga residente habang paalala na lamang nito sa mga magulang na bantayan palagi ang mga anak at alamin kung saan sila pupunta at kung sino ang kasama upang maiwasan ang mga ganitong klase ng insidente.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.