-- Advertisements --
sen bato dela rosa
Senator Ronald Dela Rosa

Tiniyak ni Senator Ronald Bato dela Rosa sa kampo ni suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves na hindi lalabas na parang “kangaroo court” ang magiging imbestigasyon ng Senate public order and dangerous drugs kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Iginiit ng Senador na siya ring chairman ng Senate panel na kaya inimbiahan ang kampo ni suspended congressman ay upang marinig ang kanilang panig.

Una rito, tinawag ng legal counsel ni Cong. Teves na si Atty. Ferdinand Topacio ang preliminary investigation sa Degamo slay case na kangaroo court na isang termino na inilarawan ng Cornell Law School bilang isang hindi awtorisadong korte o legal proceeding kung saan imposible ang patas na paglilitis dahil sa partial judge o labis na coverage ng media.

Inihayag pa ni Sen. Dela Rosa na hindi maaaring kumatawan ang kaniyang legal counsel sa imbestigasyon kapag nagdesisyon si Cong. Teves na hindi dumalo sa pagdinig sa Senado bilang isang lugar para maipahayag ang kaniyang panig dahil tanging ang mga concerned individual lamang ang naimbitahan at mayroon din aniyang inter-parliamentary courtesy.

Pagtitiyak pa ng mambabatas na hindi magiging kasangkapan ang imbestigasyon ng Senado para sa political agenda.

Pagbibigyan aniya ang lahat ng nais na tumestigo.

Maliban sa kaso ni Degamo, umaasa din ang Senador na magbibigay ng pag-asa ang imbestigasyon ng Senado para sa ikalulutas ng iba pang pagpaslang sa mga pulitiko kung saan ilang mga testigo ang nakatakdang humarap sa pagdinig sa susunod na linggo.

Matatandaan na noong Marso, naghain si Senator Risa Hontiveros ng isang resolution na naglalayong maglunsad ng Senate investigastion kaugnay sa mga serye ng pagpatay laban sa mga lokal na opisyal sa bansa.