Inaasahang haharap sina Department of Agriculture (DA) Undersecretary Domingo Panganiban at mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa Senate Blue Ribbon committee sa susunod na linggo para sa panibagong imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga pamamaraan nito sa pag-aangkat ng asukal.
Sinabi ni Senator Francis Tolentino, na namumuno sa naturang panel, na ang petsa para sa public hearing sa kontrobersya na binansagang “Sugar Fiasco 2.0” ay hindi pa natutukoy ngunit ito ay posibleng mangyari sa pagpapatuloy ng sesyon sa Lunes, Mayo 8.
Ngunit nang tanungin ang Senador kung ipapatawag din si Executive Secretary Lucas Bersamin para sa imbestigasyon, ang tugon ng senador ay depende ito sa mga position paper na isinumite sa komite.
Nakatakda sanang isagawa ang imbestigasyon noong Abril 25 sa umano’y iligal na pagpasok ng sugar shipments sa mga pantalan ng bansa ilang araw bago ang pag-isyu ng Sugar Order No. 6.
Subalit nakansela ang imbestigasyon dahil sa foreign official visits ng opisyal at kawalan ng ilang mahahalagang resource person.
Paliwanag ni Tolentino, na-reset ang pagdinig dahil nasa labas ng bansa si Panganiban noong nakaraang linggo at may mga pagbabago din sa pamunuan ng SRA.
Una ng inamin ni Panganiban na nagmadali itong kumilos nang hilingin niya sa tatlong capable at accredited na kompanyang All Asian Countertrade, Edison Lee Marketing Corp., at S&D Sucden Philippines Inc. na mag-angkat ng 440,000 metric tons ng asukal.
Sinabi din ng opisyal ng DA na napagkamalan niya ang isang memorandum mula sa Office of the Executive Secretary bilang isang go-signal para sa importasyon ng asukal.
Magugunita rin na naghain ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros na nananawagan para sa pagsisiyasat ng Senado at itinuring ang sugar fiasco bilang isang uri ng pagpuslit na suportado umano ng gobyerno at binatikos si Panganiban sa diumano’y pag-bypass sa legal na mandato ng SRA.
Ang pagsisiyasat sa darating na linggo ay ang pangalawang imbestigasyon ng Senado sa umano’y iregularidad sa mga pamamaraan sa importasyon ng SRA sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pinamumunuan ng Punong Ehekutibo ang regulator ng asukal na pinapatakbo ng estado sa ilalim ng DA kung saan kasalukyang kalihim ang Pangulo.