-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na agad nilang isusumite ang kanilang rekomendasyon sa Pangulong Rodrigo Rodrigo Duterte sa oras na matapos na ang imbestigasyon ng Task Force Philhealth composite team sa ikalawang batch ng kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Ayon kay DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete, may isang buwan pa kasing palugit na ibinigay sa kanilang composite team para magsumite ng kanilang imbestigasyon.

Paliwanag ni Perete kaya sa Oktubre pa isusumite ang ikalawang batch ng imbestigasyon ay dahil na rin sa nasa mga regional offices daw ang kanilang composite team para magsagawa ng imbestigasyon.

Kaya naman sa Oktubre 14 ay inaasahan nang maisusumite ang kanilang report o resulta ng imbestigasyon.

Tiniyak ni Perete na madadagdagan pa ang bilang ng mga tiwaling opisyal ng Philhealth na irerekomenda nilang sampahan ng reklamo kapag natapos na ang kanilang imbestigasyon.

Sa ngayon pitong opisyal ng ahensiya ang inirekomenda nila sa Pangulong Duterte na sampahan ng reklamo.

Noong Lunes ng gabi nang isumite ng DoJ ang 177 pahina ng inisyal na imbestigason kay Pangulong Duterte kalakip ang kanilang rekomendasyong masampahan ng reklamo ang ilang kawani ng ahensiya na isinasangkot sa katiwalian.