Inanunsyo ng Police Regional Office-7 na ibinunyag pa ng isa sa mga suspek ng pamamaslang kay Negros Oriental Gov Roel Degamo at walong iba pa na Disyembre pa lang noong nakaraang taon ay nagkaroon na ang mga ito ng surveillance casing.
Inihayag ni PLt Col Gerard Ace Pelare, spokesperson ng Police Regional Office-7, na hindi pa nila masasabi kung kasali naba dito ang actual penetration ngunit inilarawan pa niya na isang planado at organisado ang pag-aatake.
Batay pa sa kanilang imbestigasyon, tinipon umano ang mga suspek at isinailalim sa briefing sa isang safe house upang matukoy kung ano ang partikular na mode ng operasyon ang kanilang ilulunsad.
May mga ilan din umano sa mga ito na dumating dalawang araw bago ang pagsagawa sa krimen.
Dagdag pa nito, binigyan umano ng opsyon ang mga suspek kung ano ang gagawin, at noong araw na iyon ang kanilang nakikitang tamang panahon para isagawa ang krimen na nagresulta sa pagkamatay ng gobernador at walong iba pa.
Binigyang-diin pa ni Pelare na malapit na nilang makumpleto ang imbestigasyon dahil may mga nahuhuli na silang mga suspek, nasampahan ng mga kaso,narekober na mga ebidensya at natukoy ang mga salarin kasama na ang sinasabing mastermind.
Samantala, idinagdag pa ng opisyal ng pulisya na 16 na indibidwal ang kanilang tinitingnang mga suspek sa karumal-dumal na krimen sa parehong direct participation at principal by inducement.