-- Advertisements --
Edmar Tacuel
Edmar Tacuel/ FB

ILOILO CITY – Walang bahid ng takot na nararamdaman ang atleta mula sa Iloilo sa magiging katunggali nito sa Tunggal Pencak Silat sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Edmar Tacuel ng Nagba, Tubungan, Iloilo, sinabi nito na 85% na siyang handa sa kompetisyon sa Disyembre 2 sa Subic, Zambales.

Ayon kay Tacuel, isang buwan ang kanyang preparasyon sa training para sa regional sports meet.

Pahayag pa nito, ilang beses na siyang sumalang sa kompetisyon, local man, national o international kung kaya’t hindi na niya nararamdaman ang takot.

Umaasa si Tacuel na makukuha rin ng Pilipinas ang gold medal sa Tunggal Pencak Silat.

Samantala pinuri din ng atleta ang mga pagkaing binibigay sa kanila.

Aniya, mas lamang ang Pilipinas sa larangan ng paghost ng Sea games kung ihahambing sa ibang bansa lalo na kung pagkain ang pinag-uusapan.

Napag-alaman na nakakuha ng silver medal si Tacuel sa 1st World Beach Pencak Silat Championship sa Patong Beach, Phuket, Thailand nito lang Oktubre 1.