ILOILO CITY – Inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) na isailalim sa State of Calamity ang Iloilo Province dahil sa pinsala ng bagyong Agaton.
Ito ay sa pamamagitan ng pag-apruba ng Sangguniang Bayan ng Resolution na magiging batayan ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa upang mapabilis ang rehabilitasyon at matulungan ang mga residente na makabangon sa dagok na idinulot ng pananalasa ng naturang bagyo at nag-iwan rin ng anim na patay.
Ang deklarasyon ng state of calamity ay magpapahintulot sa lokal na pamahalaan at sa mga pamahalaang barangay na magamit ang kani-kanilang Quick Response Fund.
Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang Ajuy, Banate, Lemery, Sara, San Enrique, Zarraga at Passi City dahil sa malawakang pinsala na natamo ng mga ito noong nagdaan ang bagyo.
Napag-alaman na umaabot sa higit 20 ang mga bayan sa Iloilo ang apektado ng Bagyo.