LAOAG CITY – Inamin ni Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc na naging close contact siya ni Presidential spokesperson Sec. Harry Roque na nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID) nitong nakalipas na araw.
Sa kanyang statement na idinaan sa Facebook, inihahag ni Manotoc na sa huling pagbisita ni Sec. Roque ay negatibo ito sa swab test noong Huwebes bago pumunta sa lalawigan ng Ilocos Norte upang pangunahan ang pagbakuna kasama ang testing czar na si Vince Dizon gamit ang Astrazeneca sa Laoag City General Hospital.
Habang nandito ang tagapagsalita ng Pangulo ay hiniling na gawin sa open area ang mga aktibidad upang maiwasan ang virus.
Sinabi ni Manotoc na lagi itong nagsusuot ng N95 mask at faceshield, umiiwas din sa fist bumping at elbow bump maliban na lamang kung kinakailangan, at lagi nitong dinadala ang kanyang purifier.
Hiniling din ng gobernador sa mga naging close contact ni Sec. Roque na mag-quarantine tulad niya.
Ipinaalala nito na kahit negatibo ang COVID result ng isang tao ay posible pa rin na “carrier” ito ng virus dahil sa incubation na puwedeng magtagal ng 14 days.
Ipinagdarasal naman ni Manotoc na manatiling asymptomatic o walang sintomas ng virus si Sec. Roque at ang agarang recovery nito.
Kung maaalala, inamin ni Sec. Roque na may “comorbidities” ito bago kumpirmahing nag-register ito sa Quezon City database para sa pagpapabakuna.