ILOILO CITY – Iligal na sugal ang kabilang sa sinusundang motibo ng pulisya sa kanilang imbestigasyon sa pagbaril-patay kahapon sa table manager ng Small Town Lottery (STL) sa Barangay Lourdes, Jaro, Iloilo City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo, sinabi ni P/Insp. Rolando Amihan, hepe ng Jaro Police Station, posibleng may kaugnayan sa illegal numbers game ang pagpaslang kay Bernardo Tampani, 54, ng Barangay Gaub, Cabatuan, Iloilo.

Ayon sa pulisya, maging ang pamilya ng biktima ay ito rin ang pinaniniwalaang motibo kung saan posible umanong may galit o inggit ang suspek kay Tampani.

Lumalabas na ang STL ang pinagkukunan ng ikabubuhay ni Tampani.

Sa ngayon sinisiyasat na rin ng pulisya ang kuha ng CCTV sa lugar.

Ang biktima ay dating miyembro ng grupo ng drug lord na si Melvin Odicta.

Bagama’t iginiit ng mga kamag-anak ni Tampani na sangkot lang ito sa illegal gambling operation noon ni Odicta at hindi sa illegal drugs.