-- Advertisements --

Ilang tricyle driver ang hindi nakatanggap ng P5,000 cash assistance mula sa pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, matapos hindi makita ang kanilang mga pangalan sa listahan ng benepisyaryo.

Ayon sa ulat maraming miyembro ng Batasan TODA (BATODA) ang maagang pumila sa payout center ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Batasan Hills, Quezon City kahapon, Marso 17.

Ayon sa ilang mga driver, kinailangan nilang maghintay ng humigit-kumulang 30 minuto bago makapasok sa payout area, habang ang iba naman ay umabot pa ng ilang oras.

Kinakailangan lamang ipakita ang kanilang driver’s license at photocopy nito upang makuha ang ayuda.

Gayunpaman, sa mahigit 2,000 miyembro ng BATODA, mahigit 1,500 lamang ang kabilang sa master list. Dahil dito, maraming driver ang nagreklamo kung bakit hindi sila naisama kahit matagal na silang bumibiyahe.

Paliwanag ni BATODA president Genlie Pesico, may ilang pangalan na pansamantalang inihiwalay dahil sa kakulangan ng detalye tulad ng middle initial o petsa ng kapanganakan.

Sa Barangay Holy Spirit, may mga driver ding hindi nakita ang kanilang pangalan sa listahan kahit kasama sila sa naunang inilabas na talaan.

Tiniyak naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na lahat ng tricycle driver ay makatatanggap ng ayuda. Aniya, tuloy-tuloy pa ang pagsusumite at pag-aayos ng listahan ng mga benepisyaryo.

Batay sa tala ng ahensya aabot sa 139,000 tricycle driver sa Metro Manila ang target mabigyan ng tulong mula sa pondo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Kasunod nito, inaasahan ding makakatanggap ng kaparehong tulong ang iba pang public utility vehicle drivers sa mga susunod na araw.

Samantala, inaprubahan naman ng Department of Transportation ang P1 dagdag-pasahe sa mga tradisyunal na jeep. Ngunit ayon sa transport group na MANIBELA, hindi ito sapat, kaya tuloy ang planong nationwide transport strike sa Huwebes, Marso 19, 2026.