-- Advertisements --

Mariing tinutulan ni Vice President Sara Duterte ang panawagan na sumuko si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kasunod ng ulat ng paglalabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, iginiit ng Bise Presidente na walang sinuman ang dapat manawagan ng pagsuko dahil ang anumang warrant na hindi inisyu ng korte sa Pilipinas ay hindi maaaring ipatupad sa bansa.

Ikinalungkot din ni VP Sara na tila inuuna ng ilang pulitiko ang personal na interes kaysa sa pagseserbisyo sa publiko.

Ang reaksiyon ng Bise Presidente ay bunsod ng resolusyong inihain ng limang miyembro ng Minority Block sa Senado nitong Martes, na humihikayat kay Dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.

Sa ilalim ng panukalang resolusyon, binigyang-diin ng minorya na historically ay nirerespeto ng kapulungan ang judicial at prosecutorial processes na kinasasangkutan ng kanilang mga miyembro at dating opisyal.

Inihalimbawa ng minorya ang boluntaryong pagsuko nina dating Senador Antonio Trillanes IV, dating Senador Leila de Lima, at dating Senador Juan Ponce Enrile.