-- Advertisements --

Hindi bababa sa 37 katao ang nasugatan matapos ang panibagong airstrike ng Israel sa southern Lebanon noong Mayo 15, habang nagpapatuloy ang ikalawang araw ng ceasefire na pinangungunahan ng Washington, D.C.

Ayon sa Israeli military, tinarget nila ang mga imprastruktura ng Hezbollah sa Tyre at karatig na lugar.

Samantala, kinondena naman ng United Nations humanitarian coordinator sa Lebanon ang patuloy na karahasan at sinabing dapat samantalahin ang diplomasya para pigilan ang paglala ng krisis.

Batay sa Lebanese health ministry, kabilang sa mga sugatan ang mga kababaihan, bata, at ilang hospital workers matapos tamaan ang mga gusaling malapit sa isang ospital at isang NGO center.

Marami rin umanong lumikas matapos masira ang mga tirahan ng mga displaced families.

Bagama’t may umiiral na tigil-putukan mula noong Abril 17, tuloy pa rin ang labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah, na parehong nag-aakusa ng paglabag sa kasunduan.

Kung saan daan-daang katao na ang nasawi mula nang magsimula ang mga pag-digmaan.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang peace talks sa pagitan ng dalawang panig sa US State Department, kung saan umaasa ang Lebanon na mapalawig ang ceasefire at matigil ang ginagawang pambobomba sa kanila.

Kung walang kasunduan, posibleng mag-expire ang truce sa Linggo.