Humiling si Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa Department of Health (DOH) ng listahan ng COVID-19 testing centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.
May kaugnayan ito sa nais ng mga operators ng tourist destinations sa bansa na makita ang listahan ng mga covid centers sa kanilang lugar bago tuluyang buksan ang kanilang mga negosyo.
Paliwanag ng kalihim, karamihan sa mga tourist destinations sa bansa ang takot pa ring bumalik sa operasyon hangga’t wala pang COVID-19 laboratories sa kanilang lugar.
May mga stakeholders pa rin aniya na handang buksan ang kanilang mga negosyo ngunit ayon kay Puyat, dapat pa ring siguraduhin na maayos na naipatutupad ang health protocols.
Dagdag pa ni Puyat, sinimulan na rin ng ahensya ang pagsasagawa ng pilot study para sa antigen testing.
Gayunman ay nagbabala hinggil sa hakbang na ito si Philippine Red Cross chairman Sen. Richard Gordon. Kinakailangan aniya na maging maingat si Puyat sa pagsusulong ng antigen testing dahil hindi raw ito masyadong pinaniniwalaan ng health department.