-- Advertisements --

Isasailalim ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa lifestyle check ang mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA).

Ito ay kung mabibigo pa rin ang mga opisyal ng tanggapan na maresolba ang mga idinudulog na reklamo rito, kasama na ang daan-daang product registration applications.

Ayon kay ARTA Dir. Gen. Jeremiah Belgica, gustuhin man daw ng kanilang opisina na agad na suspendehin ang mga pabaya sa FDA, wala naman ito sa kanilang kapangyarihan.

Nabatid na tanging ang FDA mismo o kaya DoH, Ombudsman at Civil Service Commission lang ang maaaring mag-utos ng preventive suspension sa mga empleyado ng kahalintulad na tanggapan.

Kaya naman, ikinokonsidera na ng ARTA na kasuhan na sa Ombudsman ang isang departamento ng FDA.

Partikular na tinukoy ni Belgica ang Center for Drug Regulation and Research, na siyang nakitaan ng mga pagkukulang sa pag-aasihaso sa mga application forms na isinumite sa kanila ng ilang kompaniya.