-- Advertisements --

Unti-unti nang bumabalik sa normal ang antas ng tubig sa Marikina River, matapos itong muling ilagay sa alerto kanina.

Nabulabog pa ang mga residente ng Marikina City nang biglang tumaas ang tubig hanggang 15.8 meters.

Nabatid na wala naman halos naitalang ulan sa nakalipas na magdamag, kaya hindi inasahan ng mga residente ang pag-akyat ng tubig.

Ang nakikitang dahilan ng pagtaas ng tubig ang pag-ulan sa lalawigan ng Rizal, kung saan galing ang tubig na dumadaloy sa Marikina River.

Ito ang back flooding o ang pagtaas ng baha sa low lying areas mula sa mas mataas na mga lugar.

Ilang sasakyan naman ang naabot ng tubig habang nakahinto sa gilid ng ilog.

Tumambad na lamang ang apat na sasakayan nang ganap nang bumaba ang level ng baha.

Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan na iwasan ang pagpasok sa mababang bahagi ng lungsod sa panahon na tumataas ang antas ng tubig.

Regular ding nagpapalabas ng alert level ang Marikina LGU, kapag may mga naitatalang pag-ulan at pagtaas ng river level.