-- Advertisements --

Suportado ng Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) ang Senate version ng House Bill 9306 na naglalayong amyendahan ang mga batas na nagbibigay ng gantimpala sa mga informant na makakatulong sa pag-flag ng mga paglabag.

Ayon kay DOF Legal Affairs Director Jesus Nathaniel Gonzales, ang naturang batas ay makakatulong na mapa-improve pa ang tax collection, enforcement, at administrasyon ng BIR, at BOC.

Ngunit paglilinaw niya, kinakailangan aniya na suportado ng kaukulang mga ebidensya ang mga impormasyon na isusumite ng mga informant upang mapalakas pa ang pagsasala sa mga hindi mapagkakatiwalaang impormasyon at i-decongest ang mga aplikasyon para sa mga reward ngmga informer sa mga nasabing ahensya ng pamahalaan.

Bukod dito ay iminungkahi rin niya na isama sa naturang probisyon ang pagbibigay ng proteksyon sa mga opisyal at mga manggagawa ng DOF, BIR, at BOC, mula sa mga unwarranted legal action na may kaugnayan sa grant o denial of the informant’s rewards.

Ang naturang panukalang batas, na naglalayong amyendahan ang Customs Modernization and Tariff Act at National Internal Revenue Code, ay naglalayon na itaas ang reward ng mga impormante mula PHP1 milyon hanggang PHP10 milyon.

Ngunit kinwestiyon naman ito ni Senator Pia Cayetano sa kadahilanang hindi naman daw kasi nag-increase ang tax collection ng mga nasabing ahensya at iginiit na dapat pang pag-aralan ang naturang panukala upang matiyak kung ito ay gagawa ng malaking pagkakaiba.

Ipinaliwanag naman ni Atty Mary Gretchen Mondragon ng BIR na ang panukalang batas ay naaayon sa mga core values ng ahensya dahil hinihikayat din nito ang mga nagbabayad ng buwis na mag-ulat ng mga paglabag na magreresulta sa mga karagdagang koleksyon.