Ikinadismaya ngayon ni Department of the Interior and Local Goverment Secretary Benjamin Abalos Jr. ang pagkakadawit ng ilang mga pulis sa operasyon ng ilegal na droga.
Ito ay sa gitna ng ikinakasang imbestigasyon ng Philippine National Police patungkol sa sangkaterbang shabu na may katumbas na halaga ng Php 6.7 billion.
Sa pinangunahang press briefing ngayong araw nina Secretary Abalos, kasama sina Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, Deputy Chief for Operations PLTGEN Jonnel Estomo, PNP-OIC at Deputy Chief for Administrations PLTGEN Rhodel Sermonia, at NCRPO Chief PMGEN Edgar Alan Okubo ay kinumpirma ng kalihim na bukod kay dating Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ay mayroon pang matataas na opisyal sa loob ng Pambansang Pulisya ang nasasangkot din sa ilegal na droga.
Kasabay nito ay kinumpirma din niya ang kaniyang pagpapadala ng sulat kay PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. noong buwan ng Pebrero para manghingi ng update sa imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naturang kaso.
Aniya, ilang buwan matapos ito ay agad niyang ipinag-utos sa National Police Commission ang pagsasagawa ng fact finding inquiries sa mga hakbang na isinagawa ng special task force bilang bahagi ng mandato nito na imbestigahan ang anumang anomalya at iregularidad sa loob ng kapulisyahan.
Kaugnay nito ay iginiit din ni Abalos na gagawin nila ang lahat upang panagutin ang sinumang mapapatunayang may pagkakasangkot hinggil sa naturang ilegal na gawain.
Kung maaalala, Oktubre noong nakaraang taon nang masabat ng mga otoridad ang aabot sa 990 kilo ng shabu mula kay Mayo.