-- Advertisements --

Binawi na ng ilang mga Pilipino na nakabase sa Israel ang kanilang kahilingang makabalik dito sa Pilipinas, kasunod ng bahagyang paghupa ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, umabot sa 340 Pinoy ang humiling na makabalik sa Pilipinas noong kasagsagan ng tinaguriang 12-day war sa pagitan ng Israel at Iran ngunit dahil sa bahagyang paghupa ng tensyon ay sunod-sunod na aniya ang mga tumatawag sa embahada upang ipakansela ang kanilang request.

Paliwanag ng opisyal, muling pinili ng mga ito na manatili sa Israel at ipagpatuloy ang kanilang trabaho roon, habang ipinapairal ang ceasefire.

Muli kasi aniyang bumalik sa normal ang sitwasyon sa Israel at marami sa mga mangagawa ang muling bumalik sa kani-kanilang araw-araw na trabaho.

Bumalik na rin aniya ang mabigat na trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Israel na nagpapakitang tuloy na muli ang operasyon ng mga opisina, pagawaan, at iba pang industriya sa naturang bansa.

Sa kabila nito, magpapatuloy pa rin aniya ang embahada ng Pilipinas sa kanilang ginagawang pagtulong sa mga Pinoy na nais nang makabalik sa Pilipinas.

Giit ng opisyal, may mga Pilipino kasing nakapagdesisyon nang lisanin ang Israel at wala ng balak pang bumalik sa naturang bansa. Ang mga ito ang tinutulungan ngayon ng embahada at ng pamahalaan ng Pilipinas para makabalik sa bansa at magkaroon ng maayos na hanapbuhay.

Ngayong lingo ay nakatakdang umuwi ang hanggang 20 Pinoy na nakapagdesisyon nang manatili sa Pilipinas.