-- Advertisements --

Hindi pa rin madaanan ang ilang kalsada mula sa walong rehiyon na sinalanta ng bagyong Paeng ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Batay sa monitoring ng ahensiya, nasa pitong kalsada ang hindi pa rin madaanan sa Cordillera Administrative Region (CAR), 5 sa Region II, isa sa Region III, 2 sa Region IV-A, 5 sa Region VI, isa sa Region VIII; 3 sa Region XII, at 3 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ang mga road sections na isinara ay bunsod ng pagguho ng lupa, madulas na kalsada, natabunan ng bato, pagbaha, napinsalang tulay at soil erosion.

Nagpatupad na ang DPWH ng one-way system para sa maayos na daloy ng trapiko dahil sa mataas na lebel ng tubig-baha, pagguho ng road slope protection, pinsala sa mga tulay at madulas na kalsada.

Sa parte ng CAR, nananatiling sarado ang landslide-prone zone sa Kennon road gayundin ang mga pangunhing kalsada patungo ng Baguio city kabilang ang limang kalsada sa Apayao, isang main road sa Benguet at 3 naman sa Kalinga.

Tiniyak naman ng kalihim sa publiko ang pagpapabilis ng kanilang isinasagawang clearing at rehabilitation efforts sa lahat ng mga napinsalang imprastruktura sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Inaabisuhan naman ang mga motorista o biyahero na mag-doble ingat kapag dumaraan sa mga rehiyon kung hindi maiiwasan na bumiyahe sa mga apektadong lugar.