-- Advertisements --

Nagpahayag ng kahandaan ang ilang negosyante mula sa pribadong sektor na tumulong sa apela na mabakunahan ang mga ateltang sasabak sa Tokyo Olympics ngayong taon.

Sinabi ito ng Philippine Olympic Committee (POC) sa pagdinig House Committee on Youth and Sports patungkol sa House Resolution No. 1507, na inihain ni Deputy Speaker Mikee Romero.

Ayon sa POC, napag-usapan nila sa kanilang board meeting noong nakaraang linggo ang ipinaabot na kahandaan ng Razon Group na tumulong sa pagpapabakuna sa mga ateltang sasabak sa Summer Games.

Sa ngayon, hindi kasama ang mga atleta sa priority list ng pamahalaan sa COVID-19 vaccination program nito, bagay na nais ni Romero na mabago sa inihain niyang resolusyon.

Sa naturang resolusyon, umaapela si Romero sa IATF na i-classify o ituring ang mga atleta bilang “frontliners” upang maisama sa prayoridad sa COVID-19 vaccination. 

Bukod sa mga sasabak sa Tokyo Olympics, ipinasasama rin ni Romero sa priority list ang mga atleta na sasabak sa iba pang international sports competition tulad ng SEA Games.

Nabatid na nauna nang sumulat si Philippine Sports Commission chairman William Ramirez sa IATF para hilingin na  mabakunahan ang mga atleta.