Pinayagan na sa mga sementeryo sa Metro Manila ang maagang pagpapapasok ng maglilinis at mag-aayos ng mga puntod, ilang linggo bago pa man ang all souls at all saints day.
Inaasahan kasi magiging punuan ang mga lugar na ito sa mga darating na araw, lalo’t may deklarasyon ng long weekend.
Sa lungsod ng Maynila, may mga nag-o-offer na ng paglilinis at babayaran na lamang ng mga dumadalaw, depende sa bayad na kanilang mapapagkasunduan.
Sa lokal na pamahalaan ng Caloocan, marami na rin ang dumarating para magkumpuni at magtanggal ng mga damo sa paligid ng mosuleo at puntod.
Nakaantabay naman ang City Environmental Management Department (CEMD) at Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) upang matiyak ang kaayusan sa mga sementeryo.
Payo naman nila sa publiko, agad lumapit sa mga otoridad kapag may anumang hindi kanais-nais na pangyayari sa halip na i-post pa ito sa social networking sites bago magpasaklolo.
Maging ang Philippine National Police ay magtatalaga rin ng mga tauhan sa loob at labas ng mga sementeryo.
-- Advertisements --