-- Advertisements --

Naalarma ang ilang mga Senador kaugnay sa mga reklamo na ibinabato laban sa Philippine Food and Drug Adminsitration (FDA) dahil umano sa pagpabor ng ahensiya sa malalaking kompaniya at mahabang taong pagkaantala ng kanilang mga renewal processes.

Sa plenary session sa Senado para sa panukalang pondo para sa taong 2023, unang idinulog ni Senator Risa Hontiveros ang reklamo laban sa FDA na natanggap din ng kaniyang opisina.

Aniya, may ilang mga indibidwal na nagsasabing pinapaburan umano ng FDA ang mga banyagang manufacturers at distributors ng household urban hazardous substances at pet care products.

Ang daing aniya ng mga local micro, small at medium enterprises (MSMEs) ay nahihirapan silang makakuha ng certificate of product registration (CPR) mula sa FDA.

Sinabi din ng Senadora na pinuna din ng mga maliliit na negosyo ang umano’y kakulangan ng institutional support ng FDA para sa mga local MSMEs para sa “ease of doing business” at magkaroon ng access sa mga product testing facilities na pinondohan ng kaban ng bayan.

Depensa naman ni Senator Pia Cayetano na siyang sponsor ng pondo ng FDA bilang attached agency sa ilalim ng Department of Health ay gagawa sila ng isang written explanation para ipaliwanag ang standard at proseso para sa paggarantiya ng certificate of product registration.

Para naman sa product testing, sinabi ni Sen. Cayetano na makikipagtulungan ang FDA sa Department of Science and Technology na siyang nangangasiwa sa mga testing laboratories.