-- Advertisements --
image 205

Maaaring mapilitan ang mga retailers na palitan na lamang ang label ng kanilang mga panindang bigas.

Ito ang kumento ng ekonomista at U.P. School of Economics Professor JC Punongbayan matapos ang nagpapatuloy na hinaing ng ilang mga retailers dahil sa pagkalugi sa pagpapatupad ng Price cap sa well-milled at regular-milled na bigas.

Ayon sa ekonomista, dahil sa mababang presyo sa dalawang nabanggit na klase ng bigas, tiyak na tataas ang demand nito, na siya ring dahilan sa mabilisang pagkaubos ng supply.

Dahil dito, maaari aniyang magbago ang pananaw dito ng mga retailers, at sa halip na ipagpatuloy lamang ang pagbebenta ng murang bigas ay posibleng baguhin na lamang nila ang label ng kanilang mga panindang bigas.

Dagdag pa ng ekonomista na dahil sa inisyal na pagkalugi na idinadaing ng mga retailers dahil sa pagpapatupad sa price cap, maaari aniya nilang makita ang naturang sistema bilang isa sa mga paraan upang mabawi nila ang kanilang pagkalugi.

Babala ng propesor na kung magpapatuloy ang implementasyon ng price cap at hindi magkakaroon ng interbensyon, ay maaaring makita sa mga merkado ang ‘adulterated’ o pinaghalo-halong uri ng bigas.